Feeds:
Posts
Comments

Ang petsa, ika-22 ng Agosto, 2008.  Ang tagpuan, sa La Mesa Grill, SM MOA.  Ang oras, alas-otso ng gabi.  Humahangos ang karamihan dahil sa tindi ng bagal ng trapiko.  Naunang dumating sina Pinong, Jhe at Mannix.  Sumunod ay sina Ivee at Lei.  At mga ilang sandali pa ay sina Norman at Ghie naman.  Si Ota, samantala, ay di na makakasunod dahil may ibang lakad.  Si Marie naman ay baka humabol na lang daw sa kainan.

Pagkatapos mag-ikot-ikot ay nauwi sila sa La Mesa Grill.  Masaya ang mood ng lahat sa La Mesa Grill.  Maingay ang mga tao sa loob at labas ng kainan.  May banda pa na humihirit at umiindak sa labas.  Masarap ang inorder ng tropa.  Puro “healthy foods”.  Gutom na ang lahat kaya pagdating ng pagkain ay inupakan na agad ito.

Siyempre pa, masaya ang tawanan at kuwentuhan ng tropa.  Si Mannix ay may dala pang mga larawang galing pa sa baul! Hehe…  Eto yung mga panahong payatot pa ang karamihan.   Di tulad ngayong naglalakihan na ang tiyan ng lahat :D   Ang mga larawan nga palang ito ay i-scan ni Ivee at balang araw ay ma-po-post din sa blog na ito.

Pagkatapos, ay namigay na ng imbitasyon sina Pinong at Jhe.  Maganda ang imbitasyon.  De kaledad ang ginamit na papel.  Maganda ang haplos at kulay nito.  Puwede pang suksukan ng perang papel.  Ayos na ayos talaga!

Sa mga panahong ito ay di pa rin makontak si Marie.  Sayang at namiss niya ang kasiyahan.  Salamat din nga pala sa libreng hapunan, Pinong at Jhe!

Nagiging maingay na ang banda sa labas kaya’t napagpasyahan na ng tropa na lumipat ng lugar.  Dun sa tahimik at kung saan sila naman ang puwedeng mag-ingay.

Sa The Coffee Bean & Tea Leaf nagpunta ang grupo.  Sina Norman at Jhie naman ang nanlibre ng kape.  Maraming salamat din sa inyo!  Maingay na tawanan at kuwentuhan na naman ang naganap.  Hanggang sa umabot na ng halos alas-dose.

Medyo napansin ng grupo na nilakasan na nung mga taga-Coffee Bean ang musika.  Malamang ay senyales na ito na pinaaalis na sila.  Gusto na yata nilang umuwi ngunit dahil nandun pa ang tropa ay di pa sila makauwi.  Sa puntong ito ay nagpaalamanan na ang grupo at umuwi na sa kani-kanilang tahanan.

Kita kits na lang sa kasalan!

Ako’y nagulat sa aking nakita at meron palang WordPress din si Mannix.

At mula dito ay nakita ko ang isang malupit na tula na kaniyang ginawa, at ngayon ay ihahayag ko na sa madla.

Kaya’t eto na at buong-pagmamalaki kong inihahandog sa inyo…

HINOG SA PILIT

Nais ko po sanang gumawa ng tula
Isang tulang kagigiliwan ng madla
Isang obrang hatid ay tuwa at saya
Upang ngiti’y manatili sa kanila.

Kaya lang paano ko uumpisahan?
Ito naman ay hindi ko katangian
Tanungin mo pa ang aking kaibigan
Oong malutong iyong mabubungaran.

Oo nga’t katangian sa ‘kin ay wala
Hangad namang tuwa’y hindi nawawala
Sa ibang paraan ito’y magagawa
Bigayay ng D’yos pagyayamaning kusa.

Pero sandali kaibigang mapalad
Kung ikaw man ay kumakain ng salad
Na galing sa kanto at wala pang bayad
Isantabi ang salad at makinig agad.

Habang nagbabasa wala bang napupuna
Sa mga salitang iyong nakikita?
Mula una kahit hanggang dito muna
Tulang ninanais nagawa na yata.

Ngunit giliw ko ako yata’y may kulang
Obrang ninanais ‘di pumailanlang
Kaya’t kaibigan sa iyo’y may utang
Ngiting ibig makita kaylan lulutang?

Kaya kaibigan sa iyo’y may payo
Upang hangad ko’y tunay na makumpleto
Huwag mabigla hindi ako nagbibiro
Tula ng iba ay aking iboboto.

H’wag mag-alala ‘di ako magtatampo
Kung ang nagawa ko ay hindi mo gusto
Dahil alam ko na kahit papaano
Kaunting oras pinagbigyan mo ako.

Si Ivee feeling Sentai

Wala lang… hehe!

Napag-alamanan ko kani-kanina lamang na uuwi ng Pinas sina Edwin at Carmela sa ika-19 ng Setyembre, saktong isang araw bago ang big day ni Pinong!

Advanced happy trip sa inyo!

Napagkasunduang mag-lunch ng tropa sa Market Market.  Unang nakarating si Ivee, pagkatapos si Norman at si Pinong, na galing pa sa Makati.  Si Mannix ay di nakasama dahil may kausap daw na isang madaldal na kliyente.

Dahil nasa tapat na sila ng Trellis nagkita-kita ay dun na rin napagpasiyahang magtanghalian.  As usual, healthy foods ang inorder ng tatlo — crispy pata, bulalo at calamares.  Si Norman nga pala ay naka-Bill Gates haircut at bumagay naman ito sa kaniya.  Si Pinong naman nakasalamin at henyo ang dating.  Si Ivee naman excited nang makakain ng crispy pata.

Pagkatapos ng ilang minutong paghihintay ay dumating na rin ang inorder.  Syempre pa galit-galit muna.  Nang makasubo na eh usapan na naman ulit.  Napag-usapan ang Dark Knight, si Larry Ellison, Iron Man, atbp.  Sa gitna ng kwentuhan ay nabaling ang pansin kay Pinong.  Eto ang bigla niyang kaniyang nawika,

Basta ‘wag kayong gagawa ng anuman sa Sept. 20!

Ano kaya ang mangyayari sa araw na iyon?  Abangan!!!

Nang matapos ang lunch ay nagpaalam na ang tatlo sa isa’t isa at sa susunod naman ay sa Makati naman daw ang lunch sabi ni Pinong.

Pagkatapos ng ilang beses na mga di natuloy na pagpaplano, natuloy na rin sa wakas ang matagal nang hinihintay na APEC 2008.  Matagal na ang huling APEC at sa wari’y parang di na ito mangyayari pang mulit.  Salamat na lamang at tunay na pursigido itong si Norman at sa wakas natupad na ang matagal nang pinaplano.

Ika-28 ng Hunyo ang petsa.  Mga alas-singko ng hapon ang oras.  Unang dumating sa bahay nina Norman at Ghie sina Ivee at Lei.  Namangha agad si Ivee sa malahiganteng telebisyon ni Norman.  Nasinagan niya agad ang nakatakip pang PS3 sa bandang ibaba ng Bello Entertainment Center ni Norman.  Nasipat din niya agad ang isang Blu-ray Disc ng I Am Legend.  Habang naghihintay kina Marie at Pinong ay pinanood muna ni Ivee at Lei ang alternatibong ending ng I Am Legend.  Para sa amin, ay mas ok pa rin ang ending na ipinalabas sa sinehan.

First Event: Tekken 5 Dark Resurrection Online

Nagyaya na si Norman na maglaro na sila ng PS3.  Unang sinalang ang Tekken.  Tunay na di puwedeng mawala ang Tekken sa APEC.  Sinubukang maghanap ng kalaban ni Norman sa network ngunit lagi itong nadidiskonek.  Kaya’t niyaya na lang siya ni Ivee na sila na ang maglaban.

Gamit si King, siyempre pa, dinurog ni Ivee si Norman na katulad ng ginawa ni Pacquiao na pagdurog kay Diaz.  Pagkatapos ng ilang rounds eh sumuko na itong si Norman.

Second Event: Gran Turismo 5 Prologue

Inilabas naman ngayon ni Norman ang kaniyang steering wheel with pedals pa at nakalagay pa sa isang specially-designed na patungan.  Malupit talaga itong si Norman at talagang napahanga lalo si Ivee nang makita niya itong steering wheel.

Naglaban muli ang dalawa, at sa pagkakataong ito eh nagwagi naman si Norman.  Di bale naka-second place naman si Ivee.

Mga ilang sandali pa eh dumating naman ang First Lady ng CPU na walang iba kundi si Marie.  Iba na talaga ang dating ni Marie.  Iba na ang kaniyang ngiti.  Nagbago na talaga ang lahat sa kaniya.

Sumubok din siyang magmaneho sa Gran Turismo.  Sa biglang-tingin ay akala namin siya ang nangunguna.  Kulelat pala at yung lahat ng sasakyan sa likod niya eh mga nauna nang nakaikot sa kaniya.

Third Event: High Velocity Bowling

Habang naghihintay pa rin kina Pinong at habang sineset-up ni Norman ang mga instrumentong gagamitin sa Rock Band, ay isinalang muna ni Norman ang bowling.

Aba, di na pala kailangang magpunta sa bowlingan.  Parang totoo na itong larong ito.  Una ay si Ivee, pagkatapos ay si Lei at si Marie ang huli.  Sarap igilid ang SIXAXIS controller at ang sarap i-sway na para bang titira ka ng bola.  Mahirap nga lang at baka kapag na-carried away ka eh mabitawan mo ang controller sa pag-aakalang bola ito at baka ma-strike mo yung mamahaling TV ni Norman.  Pinakamataas nga pala ang iskor ni Lei at si Marie naman muntik nang maka-turkey!

FYI: Medyo napansin ng grupo na may kamukha ang in-game character na ginagamit nila.  Hawig ang buhok.  Alisin lang ang bigote at lagyan ng salamin ay may makakamukhang kilala rin nila.  Di na lang babanggitin dito kung sino ang taong iyon upang maprotektahan ang kaniyang pagkatao.

Fourth Event: Rock Band

Pawisan at medyo pagod na ang lahat dahil sa mga naunang events nung dumating si Pinong at si Jhe.  Buti na lamang at umorder na rin ng pizza at Thai food sina Ghie.  Sayang at di na inabot nina Pinong at Jhe ang mga naunang events.

Napanganga ang lahat nang inilabas na ni Norman ang gitara, tambol at mikropono para sa Rock Band.  Mantakin mo, Fender Stratocaster pa ang tatak ng gitara!  Talagang feeling nila ay banda sila.  Iba talaga ‘tong si Norman.  Lalong napahanga ang lahat sa kaniya dahil talagang di niya tinipid ang kaniyang gaming set-up.

Unang awit na napili ng grupo ay ang Wanted Dead or Alive ni pareng Bon Jovi.  Si Ivee ang nagtangkang maging bokalista, si Norman ang gitarista at si Pinong ang tambolista.  Si Lei naman ang may hawak ng mabigat na camera ni Norman para mairecord ang pagbabalik ng A.L.G.O.R.H.Y.T.H.M. (A Local Group of Radical, Hip, Young, Talented and Handsome Musicians) pagkatapos ng ilang dekadang hiatus.

Malupit ang pagkakaawit ni Ivee ng Wanted Dead or Alive.  Malupit sa tainga ng tagapakinig.  Si Norman ay nasa tiyempo ang pag-indayog habang nag-gi-gitara na para bang yung mga naka-puwesto sa underpass.  Samantala, si Pinong naman ay punung-puno ng puwersa ang paghampas sa mga tambol na para bang tambol ng musiko sa piyesta ang hinahataw.

Pagkatapos ng ilang sandali ay matagumpay nilang nairaos ang kanta.  OK naman ang kanilang iskor.  Di nga lang nila alam kung OK pa ang tainga ng iba.

Nagpapalit-palit naman ang iba sa pag-gigitara, pagtambol at pag-atungal sa mikropono.  Si Marie talaga ay may itinatagong boses na mas mabuti pa talagang itago na lang.  Buti na lang eh malupit ang porma niya ngayong gabing ito.  Emong-emo!  Si Lei naman ay nakakuha ng mataas na puntos sa pag-gigitara at pag-awit samantalang si Jhe ay mahusay ring pumalo ng tambol tulad ni Pinong.

Dinner Muna: Rakista Man Nagugutom Din

Pagkatapos ng ilang sandali pa ay huminto muna ang grupo at umupo na upang kumain.  Dumating na rin naman ang pizza at yung Thai food.  Masarap na kumain at nag-kuwentuhan ang grupo.  Siyempre pa ay napagkuwentuhan na naman ang iba pang barkada na nasa ibang lupain.  Malakas ang tawanan at asaran.  Maya-maya pa ay malakas na rin ang ulan.  Napatunayan na naman muli na totoo ang kasabihang pag pangit ang pagkanta ay ulang malakas ang kasunod nito.

Tuloy ang Fourth Event: Rock Band Pa Rin

Pagkatapos kumain tuloy na naman ang birit, pagkamot sa gitara at palo sa tambol.  Lalong naligo ang lahat sa pawis dahil sa tindi ng init sa Pilipinas.

Sa kalagitnaan ng kantahan ay siyang dating naman si Mannix.  Huli man daw at magaling, huli pa rin.  Sayang nga lang at walang Martin Nievera sa Rock Band kaya’t di siya nakaawit.

Mga ilang sandali pa bago mag-alas diyes ng gabi ay napagod na rin ang grupo.  Nagpasalamat sila kay Norman at Ghie dahil sa pagpapahintulot nila na maging venue ng APEC 2008 ang kanilang tahanan.  Nauna nang nagpaalam si Pinong at si Jhe para maiwasan ang curfew ni Jhe :)   Siyangapala, may bagong CR-V si Pinong!  Pagkatapos si Marie at si Mannix naman ang lumisan sakay ng kotse ni Marie.  Sina Ivee at Lei ang huling nagpaalam.

Kaya’t diyan nagwawakas ang APEC 2008 at nawa’y masundan pa ito.  Maraming salamat ulit kina Norman at Ghie sa kanilang pagiging mapagpatuloy at walang sawang pagsuporta.

Salamat din sa lahat ng tumangkilik at magkita-kita tayo sa susunod na APEC!!!

Pahabol: Bago nga pala kami lubusang magpaalam, inyo munang panoorin ang isang rare, live performance ng A.L.G.O.R.H.Y.T.H.M. sa Rock Band na nairecord noong APEC 2008.  Bago ninyo pindutin ang Play button ay patiuna na kaming humihingi ng paumanhin at pang-unawa… :)

wedding bells

wedding bells

Ikawalo ng Hunyo, 2008 ginanap.

Ang okasyon, pag-iisang dibdib ni Coolmel at Carmela.

Ang lugar, sa Kirkland, WA Estados Unidos ng Amerika.

Para sa mga larawan sa naturang okasyon, pakisuyong i-click ang link na ito.

Mabuhay ang bagong kasal!


Matagal-tagal na rin ang huling lunchout ng tropa at mabuti na lang at naulit ulit.  Si Pinong ang nagsuggest na dun kumain sa dating IBM.  At dun na mineet nina Pinong at Ivee si Mannix.  Si Norman naman ay di pumwede dahil may meeting daw.

Sa Dencio’s kumain ang tropa at ang naorder ay sisig, sinigang na baboy at calamares.  Sandali lang ang chikahan dahil kailangang bumalik agad ni Mannix at may meeting din siya.  Maikli man ang kuwentuhan enjoy naman.


Salamat kay Belay sa kaniyang pag-treat sa tropa sa Fish Out of Water, Greenbelt 5.  Salamat din kay Mannix sa pag-suggest ng lugar na makakainan.  Salamat din sa iba pa sa pagpapaunlak sa imbitasyon.  Salamat din sa mga di nakarating at kabawasan din sila sa naging gastos… hehehe, d’yok lang po! :)

Eto nga pala ang mga larawang kuha sa naturang hapunan…

Laki ng pinggan!

Si Mannix ay lumipad ‘tungo sa Singapore at nakadalaw siya sa bahay nina Edwin at Carmela.  Heto nga pala ang larawan sa loob ng bahay nina Edwin:

At heto naman ang larawan nila Mannix, Edwin, Carmela at ng dalawang chikiting…

Amang-ama ang dating ni Mannix dito...

Bathan Family

G'wapo mga anak ni Edwin

O Mannix ‘di ka nga pala nanlibre nung umuwi ka galing Singapore :)

Older Posts »