
Pagkatapos ng ilang beses na mga di natuloy na pagpaplano, natuloy na rin sa wakas ang matagal nang hinihintay na APEC 2008. Matagal na ang huling APEC at sa wari’y parang di na ito mangyayari pang mulit. Salamat na lamang at tunay na pursigido itong si Norman at sa wakas natupad na ang matagal nang pinaplano.
Ika-28 ng Hunyo ang petsa. Mga alas-singko ng hapon ang oras. Unang dumating sa bahay nina Norman at Ghie sina Ivee at Lei. Namangha agad si Ivee sa malahiganteng telebisyon ni Norman. Nasinagan niya agad ang nakatakip pang PS3 sa bandang ibaba ng Bello Entertainment Center ni Norman. Nasipat din niya agad ang isang Blu-ray Disc ng I Am Legend. Habang naghihintay kina Marie at Pinong ay pinanood muna ni Ivee at Lei ang alternatibong ending ng I Am Legend. Para sa amin, ay mas ok pa rin ang ending na ipinalabas sa sinehan.
First Event: Tekken 5 Dark Resurrection Online

Nagyaya na si Norman na maglaro na sila ng PS3. Unang sinalang ang Tekken. Tunay na di puwedeng mawala ang Tekken sa APEC. Sinubukang maghanap ng kalaban ni Norman sa network ngunit lagi itong nadidiskonek. Kaya’t niyaya na lang siya ni Ivee na sila na ang maglaban.
Gamit si King, siyempre pa, dinurog ni Ivee si Norman na katulad ng ginawa ni Pacquiao na pagdurog kay Diaz. Pagkatapos ng ilang rounds eh sumuko na itong si Norman.
Second Event: Gran Turismo 5 Prologue
Inilabas naman ngayon ni Norman ang kaniyang steering wheel with pedals pa at nakalagay pa sa isang specially-designed na patungan. Malupit talaga itong si Norman at talagang napahanga lalo si Ivee nang makita niya itong steering wheel.
Naglaban muli ang dalawa, at sa pagkakataong ito eh nagwagi naman si Norman. Di bale naka-second place naman si Ivee.
Mga ilang sandali pa eh dumating naman ang First Lady ng CPU na walang iba kundi si Marie. Iba na talaga ang dating ni Marie. Iba na ang kaniyang ngiti. Nagbago na talaga ang lahat sa kaniya.
Sumubok din siyang magmaneho sa Gran Turismo. Sa biglang-tingin ay akala namin siya ang nangunguna. Kulelat pala at yung lahat ng sasakyan sa likod niya eh mga nauna nang nakaikot sa kaniya.


Third Event: High Velocity Bowling
Habang naghihintay pa rin kina Pinong at habang sineset-up ni Norman ang mga instrumentong gagamitin sa Rock Band, ay isinalang muna ni Norman ang bowling.
Aba, di na pala kailangang magpunta sa bowlingan. Parang totoo na itong larong ito. Una ay si Ivee, pagkatapos ay si Lei at si Marie ang huli. Sarap igilid ang SIXAXIS controller at ang sarap i-sway na para bang titira ka ng bola. Mahirap nga lang at baka kapag na-carried away ka eh mabitawan mo ang controller sa pag-aakalang bola ito at baka ma-strike mo yung mamahaling TV ni Norman. Pinakamataas nga pala ang iskor ni Lei at si Marie naman muntik nang maka-turkey!


FYI: Medyo napansin ng grupo na may kamukha ang in-game character na ginagamit nila. Hawig ang buhok. Alisin lang ang bigote at lagyan ng salamin ay may makakamukhang kilala rin nila. Di na lang babanggitin dito kung sino ang taong iyon upang maprotektahan ang kaniyang pagkatao.
Fourth Event: Rock Band
Pawisan at medyo pagod na ang lahat dahil sa mga naunang events nung dumating si Pinong at si Jhe. Buti na lamang at umorder na rin ng pizza at Thai food sina Ghie. Sayang at di na inabot nina Pinong at Jhe ang mga naunang events.
Napanganga ang lahat nang inilabas na ni Norman ang gitara, tambol at mikropono para sa Rock Band. Mantakin mo, Fender Stratocaster pa ang tatak ng gitara! Talagang feeling nila ay banda sila. Iba talaga ‘tong si Norman. Lalong napahanga ang lahat sa kaniya dahil talagang di niya tinipid ang kaniyang gaming set-up.
Unang awit na napili ng grupo ay ang Wanted Dead or Alive ni pareng Bon Jovi. Si Ivee ang nagtangkang maging bokalista, si Norman ang gitarista at si Pinong ang tambolista. Si Lei naman ang may hawak ng mabigat na camera ni Norman para mairecord ang pagbabalik ng A.L.G.O.R.H.Y.T.H.M. (A Local Group of Radical, Hip, Young, Talented and Handsome Musicians) pagkatapos ng ilang dekadang hiatus.


Malupit ang pagkakaawit ni Ivee ng Wanted Dead or Alive. Malupit sa tainga ng tagapakinig. Si Norman ay nasa tiyempo ang pag-indayog habang nag-gi-gitara na para bang yung mga naka-puwesto sa underpass. Samantala, si Pinong naman ay punung-puno ng puwersa ang paghampas sa mga tambol na para bang tambol ng musiko sa piyesta ang hinahataw.
Pagkatapos ng ilang sandali ay matagumpay nilang nairaos ang kanta. OK naman ang kanilang iskor. Di nga lang nila alam kung OK pa ang tainga ng iba.


Nagpapalit-palit naman ang iba sa pag-gigitara, pagtambol at pag-atungal sa mikropono. Si Marie talaga ay may itinatagong boses na mas mabuti pa talagang itago na lang. Buti na lang eh malupit ang porma niya ngayong gabing ito. Emong-emo! Si Lei naman ay nakakuha ng mataas na puntos sa pag-gigitara at pag-awit samantalang si Jhe ay mahusay ring pumalo ng tambol tulad ni Pinong.
Dinner Muna: Rakista Man Nagugutom Din



Pagkatapos ng ilang sandali pa ay huminto muna ang grupo at umupo na upang kumain. Dumating na rin naman ang pizza at yung Thai food. Masarap na kumain at nag-kuwentuhan ang grupo. Siyempre pa ay napagkuwentuhan na naman ang iba pang barkada na nasa ibang lupain. Malakas ang tawanan at asaran. Maya-maya pa ay malakas na rin ang ulan. Napatunayan na naman muli na totoo ang kasabihang pag pangit ang pagkanta ay ulang malakas ang kasunod nito.


Tuloy ang Fourth Event: Rock Band Pa Rin
Pagkatapos kumain tuloy na naman ang birit, pagkamot sa gitara at palo sa tambol. Lalong naligo ang lahat sa pawis dahil sa tindi ng init sa Pilipinas.
Sa kalagitnaan ng kantahan ay siyang dating naman si Mannix. Huli man daw at magaling, huli pa rin. Sayang nga lang at walang Martin Nievera sa Rock Band kaya’t di siya nakaawit.
Mga ilang sandali pa bago mag-alas diyes ng gabi ay napagod na rin ang grupo. Nagpasalamat sila kay Norman at Ghie dahil sa pagpapahintulot nila na maging venue ng APEC 2008 ang kanilang tahanan. Nauna nang nagpaalam si Pinong at si Jhe para maiwasan ang curfew ni Jhe
Siyangapala, may bagong CR-V si Pinong! Pagkatapos si Marie at si Mannix naman ang lumisan sakay ng kotse ni Marie. Sina Ivee at Lei ang huling nagpaalam.
Kaya’t diyan nagwawakas ang APEC 2008 at nawa’y masundan pa ito. Maraming salamat ulit kina Norman at Ghie sa kanilang pagiging mapagpatuloy at walang sawang pagsuporta.
Salamat din sa lahat ng tumangkilik at magkita-kita tayo sa susunod na APEC!!!


Pahabol: Bago nga pala kami lubusang magpaalam, inyo munang panoorin ang isang rare, live performance ng A.L.G.O.R.H.Y.T.H.M. sa Rock Band na nairecord noong APEC 2008. Bago ninyo pindutin ang Play button ay patiuna na kaming humihingi ng paumanhin at pang-unawa…












Ha ha ha, hataw, upload pa ng maraming video, hindi ba kasali luksong-tinik sa APEC…? Type ko yung manibela ni Norman, magkano nya kaya nabili yun…??
ganda ng mga pics ivee… kuhang-kuha ang kwento at picture sa actual na gadget ni norms…kelan part 2?
salamat pinong!
dapat ngang masundan ng part 2 yan… tamang-tama at marami raw bagong games sa PS3 si norms…