Ako’y nagulat sa aking nakita at meron palang WordPress din si Mannix.
At mula dito ay nakita ko ang isang malupit na tula na kaniyang ginawa, at ngayon ay ihahayag ko na sa madla.
Kaya’t eto na at buong-pagmamalaki kong inihahandog sa inyo…
HINOG SA PILIT
Nais ko po sanang gumawa ng tula
Isang tulang kagigiliwan ng madla
Isang obrang hatid ay tuwa at saya
Upang ngiti’y manatili sa kanila.
Kaya lang paano ko uumpisahan?
Ito naman ay hindi ko katangian
Tanungin mo pa ang aking kaibigan
Oong malutong iyong mabubungaran.
Oo nga’t katangian sa ‘kin ay wala
Hangad namang tuwa’y hindi nawawala
Sa ibang paraan ito’y magagawa
Bigayay ng D’yos pagyayamaning kusa.
Pero sandali kaibigang mapalad
Kung ikaw man ay kumakain ng salad
Na galing sa kanto at wala pang bayad
Isantabi ang salad at makinig agad.
Habang nagbabasa wala bang napupuna
Sa mga salitang iyong nakikita?
Mula una kahit hanggang dito muna
Tulang ninanais nagawa na yata.
Ngunit giliw ko ako yata’y may kulang
Obrang ninanais ‘di pumailanlang
Kaya’t kaibigan sa iyo’y may utang
Ngiting ibig makita kaylan lulutang?
Kaya kaibigan sa iyo’y may payo
Upang hangad ko’y tunay na makumpleto
Huwag mabigla hindi ako nagbibiro
Tula ng iba ay aking iboboto.
H’wag mag-alala ‘di ako magtatampo
Kung ang nagawa ko ay hindi mo gusto
Dahil alam ko na kahit papaano
Kaunting oras pinagbigyan mo ako.











